Miyerkules, Pebrero 27, 2013

MAGPAKASAL AY DI BIRO

بسم الله الرحمن الرحيم

 "Ang kasal ay hindi lamang pagnanasa at pagtugon sa damdaming ito. Sa halip, ito ay matiwasay at matatag na pagsasama ng dalawang tao".-- Sheikh Abdul Aziz ibn Abdullah Aali Shiekh (hafidhahullaah)

Ang ilan sa mga Muslim ngayon ay mali ang pagkakaunawa sa salitang "pagpapakasal", ang alam nilang kahulugan nito ay napakalayo sa katotohanan. Mayroong nag-aakala na ang pagpapakasal ay bilang pagtugon lamang sa tawag ng laman, kaya kahit na sinunod naman nila ang mga kinakailangan sa isang islamikong pagpapakasal, ang intensiyon nila ay hindi upang magkaroon ng matatag at paninindigan na relasyon sa halip ay nagpakasal sila ngunit may balak rin na makipagdiborsyo, ang ibig sabihin ay alam na niya sa kanyang sarili na magpapakasal siya at binabalak na niya na ito ay may hangganan kung hanggang kailan lamang niya gusto kahit hindi niya ito sabihin o ipaalam.

Kaya pinakasalan niya ang babae dahil sa kanyang pagnanasa rito at hindi upang magkaroon ng katahimikan ng pag-iisip at katiwasayan kapiling siya, ginawa lamang niya ito dahil itinuturing niya na ang babaeng ito ay isang libangan lamang; kaya't parati siyang nagbabanta na anomang oras ay maaari niya siyang idiborsyo o di kaya naman ay palitan ng iba. Ang lalaking ito ay naturingan ngang asawa ngunit may intensiyon naman na makipaghiwalay. At wala siyang ibang nais mula sa babae kundi ang magpakaligaya lamang sa piling nito. 

Ito ay isang panlilinlang sa babae, kawalan ng katapatan sa kanya ; at kung may isang lalaki na mag-aalok ng kasal para sa kapatid o anak na babae ng lalaking ito at malalaman niya na pagnanasa lamang ang nais nito ay sigurado na hindi niya ipahihintulot na maipakasal ang naturang lalaki sa kanyang anak o kapatid, ngunit kapag sa ibang babae na anak o kapatid ng ibang tao, ginagawa niya ang gusto niya.

At ang lahat ng ito ay nagmula sa panloloko, pagsisinungaling, hindi pagiging tapat, pandaraya at panlilinalang. Sa ganitong kadahilanan ay ipinagbawal sa Islam ang "kasala na panadalian"; at ito ang uri ng kasal kung saan mayroong nakatakda na bilang ng araw nang pagiging mag-asawa nila ayon sa napagkasunduan. Ito ay ipinagbawal dahil sa mga kasamaan na maidudulot nito.

"Kung ano ang ayaw ninyong mangyari sa inyong mga anak, huwag ninyo itong gawin sa anak ng ibang Muslim".

 At mayroon ring mga tao na naglalakbay pa sa ibang lugar upang makahanap lamang ng pakakasalan na may nakatakdang araw o buwan kung hanggang kailan lamang sila magiging mag-asawa at iniisip niya na ang kontratang ito ay walang kuwenta kaya't siya ay bumabagsak sa pagkakasala.

Mayroon din naman na nagpapakasal ng higit sa isa (ang iba ay diniborsyo na niya) bago pa man matapos ang iddah ng unang pinakasalan. Kaya nakapagpakasal siya sa higit sa sampung babae sa loob ng isang buwan na hindi iniintindi ang itinakda na kontrata sa Islam.

Ang mga Muslim ay kinakailangan na mayroong tamang paghusga at hindi niya hinahayaan na mangibabaw ang kanyang pagnanasa sa paraan na taliwas sa Islam. At marapat lamang na taglayin niya ang pag-uugali na nararapat sa isang Muslim, at ituring niya ang anak na babae ng ibang tao katulad ng pagturing niya sa kanyang sariling anak o kapatid , at ilagay niya ang mga tao sa posisyon na nais niyang kalagyan.

Kung gayon , kung ang isang tao ay naniniwala na ipinahihintulot sa kanya na gawan ng kamalian ang anak ng ibang tao at huwag siyang sumunod sa itinakda ng Islam at pagkatapos ay ayaw niyang mangyari ang kamaliang ito sa sarili niyang mga anak; bakit magkaiba? Nasaan ang pagkakapantay, nasaan ang katarungan?

Nakakalungkot, mayroong ibang Muslim na ginagawang halal ang ginawang haram ni Allah (subhanahu wa ta'ala) kaya sa loob lamang ng ilang araw ay nakapag-asawa na sila ng higit sa isa, at lahat ng ito ay kalakip ang intensyon na makipagdiborsyo, na ang tanging hangad lamang ay pakinabangan ang asawa sa tag-araw o taglamig o kung anopaman, at ito ay ipinagbabawal sa Islam. Kung gayon, nais nang Islam na maging balanse tayo sa ating pakikipagkasundo at ilagay natin ang iba sa katayuan ng ating sariling mga anak o kapatid at maging matapat tayo sa ating mga pamamalakad.

 "Ang iba sa kanila ay naglalakbay at nagpapakasal na taliwas sa normal na sistema at pagkatapos ay nagkakasala sila o di kaya naman ay nahuhulog sa mas seryosong sitwasyon at maaaring iwanan nila ang kanilang asawa , abandonahin at tuluyan nang hindi balikan matapos na mabuntis o mabigyan siya ng anak, at ito ang nagiging sanhi upang ang susunod na henerasyon ng Muslim ay malantad sa kapahamakan. At ang ilan sa kanila ay walang pakialam sa kanilang mga asawa at mga anak na nagiging sanhi ng malaking problema at ito ay resulta nang mapanlinlang na pagpapakasal."

mula sa: http://www.sahab.net/forums/showthread.php?t=354427
isinalin sa wikang banyaga ni : Abu Qayla Rasheed bin Estes Barbee




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento