Sabado, Pebrero 23, 2013

ANG TUNAY NA KAPATIRAN SA ISLAM : Al Allaamah Ash Shaykh Saalih bin Fawzaan Al Fawzaan Khutub Al Minbariyyah V4


Isinalin sa wikang banyaga ni :Kashif Khan

Bismillah walhamdulilah wa salatu wa salamu ala Rasulillah
wa ba'd

O Sangkatauhan! Matakot kayo kay Allah (subhanahu wa ta'ala) at alalahanin ninyo na ang pagkakapatiran sa relihiyon ay nakahihigit sa pagkakapatiran sa dugo. Iniutos ni Allah (subhanahu wa ta'ala) sa lahat ng mananampalatayang Muslim na maging magkakapatid kahit pa magkakaiba ang kanilang lahing pinagmulan at magkakalayo ang lugar na kinalalagyan.

Sinabi ni Allah (subhanahu wa ta'ala);
Katiyakan, ang mga manananampalataya ang tunay na magkakapatid sa ‘Deen,’ [Al-Hujurat : 10]
At binalaan niya tayo ukol sa mga Kuffar, kahit gaano pa sila kalapit sa atin (maging ito ay sa pamamagitan ng pagkakamag-anakan). Sinabi Niya;
O kayong mga naniwala sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) at sumunod sa Kanyang Sugo(salallahu alyhi wa salam), huwag ninyong ituring ang inyong mga kamag-anak, mga magulang, mga kapatid at iba pa na ‘awliyâ’ (mga sandalan na pagkakatiwalaan sa inyong mga sarili) na ibubunyag ninyo ang mga lihim ng mga Muslim at hihilingin ninyo ang kanilang payo hinggil sa mga gawain ninyo, hanggang sila ay nananatili sa di-paniniwala (pagtanggi) sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) at pakikipaglaban sa Islâm. At kung pinili sila na pagkakatiwalaan at pakamamahalin, ay walang pag-aalinlangang nalabag niya ang Allâh (subhanahu wa ta'ala) at minali niya ang kanyang sarili ng matinding pagkakamali. [At-Tawbah : 23]

At maraming kabutihan at mabuting kapakinabangan ang makukuha sa pagkakapatiran sa pagitan ng bawat Muslim at mananampalataya; at ito ay malinaw na ipinakita at ipinaliwanag ni Allah (subhanahu wa ta'ala) at ni Propeta Muhammad (salallahu alayhi wa salam) sa Qur'an at Sunnah. Kaya't ang bawat isa sa atin ay may obligasyon na sundin ito at isabuhay, hindi pinahihintulutan na ito ay balewalain at isantabi lamang.

Ang isa sa karapatan at obligasyon na makukuha rito ay ang pagkasunduin ang mga Muslim kapag mayroon silang hindi pagkakaunawaan, o mayroong awayan at pagkakawatak-watak sa pagitan nila.
Sinabi ni Allah (subhanahu wa ta'ala);
 At kapag ang dalawang grupo ng mga mananampalataya ay nagpatayan, pag-ayusin ninyo, O kayong mga mananamapalataya, ang pagitan ng dalawang grupong ito upang isangguni nila ito sa Aklat ng Allâh at sa ‘Sunnah’ ng Kanyang Sugo, at maging katanggap-tanggap sa kanila ang batas na ito, at kapag ang isa sa dalawang grupo ay gumanti at hindi tumugon sa pagpasiya na ito, ay makipaglaban kayo sa grupong yaon hanggang sa ito ay bumalik sa Batas ng Allâh (subhanahu wa ta'ala) at ng Kanyang Sugo(salallahu alayhi wa salam), at kapag ito ay bumalik sa dating kasunduan ay pag-ayusin ninyo ang pagitan ng dalawang grupong ito nang patas, at maging makatarungan kayo sa inyong paghatol, na huwag ninyong lalampasan ang Batas ng Allâh (subhanahu wa ta'ala) at ang Batas ng Kanyang Sugo(salallahu alayhi wa salam).Katiyakan, ang Allâh (subhanahu wa ta'ala) ay nagmamahal sa mga naghahatol nang makatarungan, nagpapasiya sa pagitan ng Kanyang mga alipin nang makatarungan. [Dito sa talatang ito ang patunay sa katangian ng Allâh (Ι) na pagmamahal ayon sa kung anuman ang angkop sa Kanyang Kamaharlikaan].
10. Katiyakan, ang mga manamampalataya ang tunay na magkakapatid sa ‘Deen,’ na kung kaya, ayusin ninyo ang pagitan ng inyong dalawang grupo kapag sila ay nag-away o nagpatayan, at katakutan ninyo ang Allâh (subhanahu wa ta'ala) sa lahat ng pagkakataon, bilang paghahangad na kaawaan kayo. [Suratul Hujurat :9-10]

Gayundin naman, kabilang sa karapatan ng mga Muslim at mananampalataya ay ang paggalang sa karangalan ng bawat isa  at ang pag-iwas na maliitin ang kanyang kapwa.
Sinabi ni Allah (subhanahu wa ta'ala);
 O kayong mga naniwala sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) at sa Kanyang Sugo (salallahu alayhi wa salam) at nagpapatupad ng Kanyang Batas! Huwag hayaang kutyain ng isang grupo ng mananampalataya sa inyo ang ibang grupo ng mananampalataya; baka sakaling ang huli ay mas mabuti kaysa sa una. Ni hayaang kutyain ng mananampalatayang kababaihan ang ibang mananampalatayang kababaihan; dahil maaaring ang kinukutya ay mas mabuti kaysa sa nangungutya, at huwag pintasan ng iba sa inyo ang iba, at huwag libakin (insultuhin) ng iba sa inyo ang iba sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya ng kinamumuhian niyang palayaw o katawagan. Dahil napakasamang katangian ang ganito at maging ang pagtawag ng masamang pangalan, na pinagkukutya at pinaglalait, at pagtatawagan ng mga palayaw na hindi magaganda, pagkatapos ninyong pumasok sa Islâm at ito ay inyong naintindihan, at sinumang hindi nagsisi mula sa pangungutya, panlalait at pagpupukulan ng mga masamang palayaw ay sila ang mga yaong masasama na inapi nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsagawa nila ng mga ganitong ipinagbabawal. [Hujurat: 11]


Ipinagbawal ni Allah (subhanahu wa ta'ala) sa bawat lalaki at babae na manlibak ng kanilang kapwa, sapagka't maaaring ang taong nililibak ay higit na  mainam  kumpara sa taong gumagawa nito sa kanya, dito sa mundo at sa kabilang buhay. At ang panlilibak ay hindi nagmumula maliban sa taong may sariling pagkukulang. At ipinagbawal rin ni Allah (subhanahu wa ta'ala) ang al Lumz (paninirang-puri), at ipinagbawal Niya (subhanahu wa ta'ala) ang pang-iinsulto sa pamamagitan ng al Alqaab (pagbibigay ng pangalan o palayaw), pangalan na nakakasakit sa damdamin ng taong tatagurian ng ganito. Sinabi ng ilang Mufasiroon na kabilang sa mga pangalan na ito ay "Yaa Faasiq (suwail)" , "Yaa Kalb (aso)", Yaa Himar (asno)". At katotohanan na ang panlalait, paninirang-puri, panlilibak gamit ang mga ganitong pangalan ay kabilang  sa mga kasalanan ayon kay Allah (subhanahu wa ta'ala) at ito ay isang gawain na hindi maganda at kasuklam-suklam, kaya marapat lamang na ito ay ating iwasan.

At kabilang rin sa mga karapatan at tungkulin ng mga mananampalataya at Muslim ay ang pag-iwas sa walang katarungan/basehan na paghihinala, at iwasan rin ang panunubok sa kapwa, lalo na ang paninirang-puri.
Sinabi ni Allah (subhanahu wa ta'ala);
O kayong mga naniwala sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) at sa Kanyang Sugo(salallahu alayhi wa salam) at sumunod ng Kanyang gabay! Iwasan ninyo ang karamihan sa mga haka-haka na masasama laban sa mga mananampalataya; dahil ang ibang haka-haka ay kasalanan. At huwag magmanman, at huwag ninyong matahin ang dangal ng mga Muslim o magsiraan sa isa’t-isa, at huwag banggitin ng iba sa inyo sa iba nang palihim ang anuman na hindi niya nagugustuhan. Dahil nais ba ng isa sa inyo na pakainin siya ng kanyang kapatid ng patay na laman ng kanyang kapatid? At kayo mismo ay kinamumuhian ninyo ito, na kung kaya, kamuhian ninyo ang paninirang-puri sa kanya at matakot kayo sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal. [Hujurat :12]

Ipinaliwanag ni Propeta Muhammad (salallahu alayhi wa salam) ang kahulugan ng Gheebah (paninirang-puri). Ito ay ang pagsasabi ng bagay na tungkol sa iyong kapwa na ayaw niyang malaman ng iba at hindi niya ikatutuwa ang marinig ito. Mayroong Ijmaa (pinagkaisahan) na nagsasabi na ito ay talagang ipinagbabawal at mayroong matinding babala laban sa gawaing ito. At inihalintulad ni Allah (subhanahu wa ta'ala) sa pagkain ng laman ng iyong patay na kapatid ang paninirang-puri.
"...nais ba ng isa sa inyo na pakainin siya ng kanyang kapatid ng patay na laman ng kanyang kapatid?"..[Hujurat :12]


At mula sa pagkakapatirang ito ng Islaam at Eeman, ay ang pagtutulungan ng isa't isa tungo sa pagkamakatarungan at kabanalan, at pagtutulungan na makamit kung ano ang makakabuti sa kanila at makaiwas sa kung ano ang makasasama.
Sinabi ni Allah (subhanahu wa ta'ala);
Magtulungan kayo, O kayong mga mananampalataya sa isa’t isa, sa pagsasagawa ng kabutihan at pagkatakot sa Allâh (subhanahu wa ta'ala); at huwag kayong magtulungan sa anumang bagay na kasalanan at paglabag sa batas ng Allâh (subhanahu wa ta'ala); [Maidah :2]
At sinabi ni Propeta Muhammad (salallahu alayhi wa salam);
"Ang kahalintulad ng pagkakaibigan , ng pagdadamayan at ng awa sa isat'isa ng mga Muslim ay katulad ng isang katawan. Kapag ang isang bahagi nito ay may hindi magandang nararamdaman, ang buong katawan ay apektado, hindi mapakali at nilalagnat". Kaya ang isang Muslim ay nagagalak sa kaligayahan ng kanyang kapatid, at ramdam niya ang sakit kapag ang kanyang kapatid ay nasasaktan.

Kabilang rin sa karapatan na makukuha sa kapatiran na ito ay ang pagpapayuhan sa isa't-isa. Ang pag-uutos ng kabutihan at ang pagbabawal ng kasamaan.
Sinabi ni Allah (subhanahu wa ta'ala);
Ang mga mananampalataya, na mga kalalakihan at mga kababaihan na naniwala sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) at sa Kanyang Sugo (salallahu alyhi wa salam) ay nagtutulungan sila sa isa’t isa, inuutusan nila ang mga tao na maniwala at gumawa ng kabutihan, at pinagbabawalan nila ang mga tao na lumabag sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) at gumawa ng mga kasalanan, at isinasagawa nila ang pagsa-‘Salâh,’ nagbibigay sila ng ‘Zakâh’ (obligadong kawanggawa), sinusunod nila ang Allâh (subhanahu wa ta'ala) at Kanyang Sugo at iniiwasan ang mga ipinagbabawal sa kanila, sila ang tiyak na pagkakalooban ng Allâh (subhanahu wa ta'ala) ng habag sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila mula sa Kanyang parusa at pagpapasok sa kanila sa Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin). Katiyakan, ang Allâh (subhanahu wa ta'ala) ay ‘`Azeez’ – Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan sa Kanyang Kaharian, na ‘Hakeem’ – Ganap na Maalam sa Kanyang Panukala at mga Batas. [At-Tawbah : 71]

At tatlong beses na inulit ng Propeta (salallahu alayhi wa salam); " Ang relihiyon ay (Naseehah) pagpapayuhan". Tinanong siya kung para kanino ang pagpapayuhan at sinagot niya ito ng " kay Allah (subhanahu wa ta'ala), sa Mga Aklat, sa Kanyang mga Sugo, sa Imam ng mga Muslim at sa buong Ummah".



At kabilang sa kapakinabangan sa kapatirang ito ay ang pagnanais ng Mu'min na mapasa kanyang kapatid kung anoman ang nais niya para sa kanyang sarili, katulad ng sinabi ni Propeta Muhammad (salallahu alayhi wa salam) : " wala sa inyo ang tunay na naniniwala maliban na mahalin niya para sa kanyang kapatid ang minamahal niya para sa kanyang sarili". Ang tinutukoy dito ay ang pagmamahal sa relihiyon at hindi ang pagmamahal na maka-mundo.

Kaya marapat lamang para sa isang Mu'min na mahalin niya at naisin para sa kanyang kapatid ang minamahal niya at ninanais niya para sa kanyang sarili. At ang sinoman na hindi maging ganito ang pagnanais, katotohanan na sila ay kabilang sa mga mainggitin, at ang ugaling ito ay kasuklam-suklam.

Assalamu alaykum wa rahmatullahi wa barakatuhu!




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento