Sabado, Pebrero 23, 2013

ANG BOLPEN AT PENTEL PEN

Ang tao, kapag mayroong gusto ay gagawin niya ang lahat para makamit lamang ito. Kung minsan nga, nawawala na ang kanyang kakayahan na magdesisyon ng tama. Nalilimutan na kapag hindi itinakda para sa iyo, kahit ano ang gawin mo ay talagang hindi ito mapapasaiyo.

Isang analogy na itinuro sa akin ng aking guro ay ang tungkol sa bolpen at pentel pen. Pinakuha niya ako ng bolpen at inutusan niya ako na hawakan ko ang bolpen na patayo, tapos ay bigla ko itong bitiwan. Natural, babagsak ang bolpen at hindi ito makakatayo mag-isa.
Tanong : sino ang nagpabagsak sa bolpen, ako o si Allah (subhanahu wa ta'ala)?

Sumunod ay inutusan niya ako na kumuha ng pentel pen at gaya ng unang eksperimento ay hinawakan ko ito ng patayo at biglang binitiwan. Ang resulta....nakatayong mag-isa ang pentel pen.
Tanong: sino ang nagpatayo ng pentel pen, ako o si Allah (subhanahu wa ta'ala)?

Sa unang tanong, ang sagot ko ay ; si Allah (subhanahu wa ta'ala) ang nagpabagsak ng bolpen, at sa pangalawa ay ako ang nagpatayo sa pentel pen. Na siyang nagdulot ng pagngiti sa aking guro. Sabi niya, ganyan ang tao, kapag maganda ang nangyayari sa buhay niya, sasabihin ay nagmula ito sa kanya. At kapag naman taliwas sa gusto niya ang nangyayari ay sasabihin na nagmula ito kay Allah (subhanahu wa ta'ala). At ipinaliwanag niya ang hikmah sa eksperimento na aming ginawa.


Ang bolpen ay sumasagisag sa mga layunin, mga nais natin sa buhay na kahit alam natin na hindi para sa atin at kailanman ay hindi matutupad, nagpupumilit pa rin tayo, sukdulan na makalabag tayo sa mga ipinag-uutos ni Allah (subhanahu wa ta'ala), masunod lamang ang ating gusto. At kapag ang naging resulta ay kabiguan, sino ang sinisisi natin? Hindi ba ang QADR na itinakda sa atin?

Pero pansinin mo, kapag ang lahat ng iyong ginagawa ay naaayon sa kagustuhan at sa itinakda ni Allah (subhanahu wa ta'ala), sigurado na ang magiging resulta nito ay maganda. Katulad ng pentel pen, na dahil ito ay mataba at may kakayahan na tumayo, siguradong hindi ito matutumba kapag binitiwan mo. At sasabihin natin, ito ay dahil sa ating sarili kaya nakatayo ang pentel pen.

Tunay nga na ang tao ay binigyan ng kakayahan na mamili at magdesisyon ngunit......si Allah (subhanahu wa ta'ala) pa rin ang nagtakda sa kung ano ang magiging resulta ng ating pinili.

" Ang anumang nangyari sa iyo bilang tao na kabutihan at biyaya, ay nagmula lamang kay Allâh (subhanahu wa ta'ala) bilang kagandahang-loob at kabutihan; at ang anumang nangyari sa iyo na kasamaan, mga di-kanais-nais na bagay, at paghihikahos; ay dahil sa masamang iyong nagawa at sa anumang nagawang pagkakamali at mga kasamaan ng iyong mga kamay."
[Surah An-Nissa 4:79]

Assalamu alaykum wa rahmatullahi wa barakatuhu!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento