Linggo, Pebrero 24, 2013

ELEKSYON, BOTOHAN, KANDIDATO....

Malapit na naman pala ang eleksyon sa Pinas, abala na naman ang mga pulitiko sa pangangampanya. 

Naalala ko noong hindi pa ako Muslim, excited ako kapag ganitong panahon. Eleksyon, botohan, kandidato...ibig sabihin...extra income :) .

Maraming magpapalapad ng papel, magbabait-baitan [syempre para makuha ang boto ng mga mamamayan].

"VOTE WISELY" yan ang slogan na gasgas na gasgas na ginagamit kapag eleksyon pero tila hindi pa rin maisakatuparan.

Alhamdulillah at isa na akong Muslim ngayon, hindi ko na kailangan pang manghula kung sino ba ang matino o hindi sa mga kandidato, hindi ko na kailangan pang makipagsiksikan at makihanay sa mahabang pila ng mga botante, hindi na ako madidismaya kapag natalo ang aking ibinoto at ang nanalo ay sila na naman na wala namang nagawa kundi ang magpayaman.

BAKIT HINDI KO NA MARARANASAN ANG LAHAT NG ITO?

KASI.....HINDI KO NA KAILANGANG BUMOTO :)

Bilang isang Muslim na naniniwala at sumasaksi na "walang ibang tunay na diyos na dapat sambahin kundi si Allah (subhanahu wa ta'ala) lamang at si Propeta Muhammad (salallahu alayhi wa salam) ay Kanyang Sugo", kasama sa aming paniniwala na walang batas na higit na mainam kumpara sa Batas ni Allah, ang Shari'ah. 


Kaya nga kapag mayroong kandidato na mula daw sa hanay ng mga Muslim at nagsasabi na kapag nanalo siya ay una niyang bibigyang pansin ang karapatan ng mga Muslim, hindi maiaalis ang pagtaas ng aking kilay . Kasi kung susurin mong mabuti, hindi naman nakabase sa aral ng Islam ang kanilang plataporma. At dahil dito ,marami sa atin ang nagkakamali at nag-aakala na ayos lamang ang "makipagkaisa" sa ibang paniniwala, na ayos lamang ang bumoto at magbigay suporta sa mga kandidato na hindi Muslim. Na pinahihintulutan sa isang Muslim ang makilahok, sumali at kumandidato sa eleksyon ng mga hindi mananampalataya.

Payo ko higit sa aking sarili (bagama't wala po akong balak kumandidato :)):

Pag-aralan muna nating mabuti ang ating relihiyong Islam, bago tayo makisali sa magulong mundo ng pulitika. "GOOD POLITICS" ay nakabatay sa tamang pagkakaunawa sa ating relihiyon, at sa tamang paraan kung paano ito naipalaganap ni Propeta Muhammad (salallahu alayhi wa salam ) at ng kanyang mga Sahabah, ayon sa pagkakaunawa ng mga Salaf.

Maipapalaganap natin ang ating relihiyon na hindi kinakailangang isakripisyo ang ating paniniwala, na hindi kinakailangang talikuran ang mga batas nito. Magagawa pa rin natin ito sa tamang paraan at sa paraan na aani ng pagrespeto at paggalang mula sa ibang tao. Kailangan lamang ay nasa tama tayong Aqeedah at nagkakaisa sa Katotohanan.


Kung maipapalaganap natin ang TAMANG ISLAM sa paraan ng mga Sahabah, doon lang , sa awa ni Allah (subhanahu wa ta'ala) natin makakamit ang hinahangad natin na tagumpay. Pero kung babaluktutin natin ang mga batas ng Islam para lamang umayon sa sarili nating pagnanasa o para sumunod sa kultura at makaangat sa iba, e tunay nga na magiging "tagumpay tayo" tagumpay na mapalaot at tuluyang lumayo sa kung ano ang nais ni Allah (subhanahu wa ta'ala) para sa atin.

Assalamu alaykum wa rahmatullahi wa barakatuhu!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento