Linggo, Pebrero 24, 2013

KAHALAGAHAN NG DALEEL


 بسم الله الرحمن الرحيم

Nais ba ninyong malaman ang kagandahan ng Islam?

Ito ay --ang lahat ng gawain ay nakatala na sa Qur'an at Sunnah, walang labis, walang kulang. 
Ang Qur'an--ang salita ni Allah(swubhanahu wa ta'ala) na inihayag Niya kay Propeta Muhammad(salallahu alayhi wa salam).At ang Sunnah--mga kaugalian,kilos at salita ng Propeta Muhammad(salallahu alayhi wa salam).
Ang dalawang ito ang nagsisilbing ilaw na gumagabay sa bawat Muslim. Na kung susundin nating lahat ay katiyakan na  walang maliligaw at lahat tayo ay magtatagumpay. Marami sa atin ang gumagawa ng inaakala nila na makapagliligtas sa kanila, hindi nila alam na kung ang mga gawaing ito ay hindi sunod sa aral at turo ng Qur'an at Sunnah,ay wala itong buting maidudulot sa kanila.

Sinabi ni Allah(subhanahu wa ta'ala):(sa pakahulugan)

103. Sabihin mo, O Muhammad (saws) – sa mga tao bilang babala – : “Nais ba ninyong sabihin Namin sa inyo kung sino ang pinakatalunan na tao kung patungkol sa kanyang gawain?”
104. Katiyakan, sila ay ang mga yaong naligaw ang kanilang mga gawain dito sa daigdig – na sila ang mga yaong sumamba ng iba bukod sa Allâh (swt) na mula sa iyong sambayanan at iba pa na mga naligaw sa Tamang Landas, na hindi na sila magagabayan pa at makagagawa ng anumang tama – na iniisip nila na sila ay mga mabubuti sa kanilang mga gawain.
[Surah Al-Khaf]

Ano ngayon ang importansya kung sisiguraduhin natin na ang ating mga gawain ay naaayon sa Qur'an at Sunnah?Siguradong hindi tayo mapapabilang sa mga talunan at hindi masasayang ang ating mga mabubuting gawa. Maliligtas tayo na mayroong katiyakan at mayroong patunay.

Sa panahon natin ngayon,napakarami na nang paraan upang makahanap tayo ng Islamikong kaalaman tungkol sa ating deen, na nagiging sanhi ng pagkaligaw ng ibang tao. Hindi nila namamalayan ay nakakagawa sila ng mga bid'ah, mga bagong paniniwala,mga bagong kasanayan. Kaya naman,ang Allah( Azza wa Jall) ay nagbanta tungkol dito:(sa pakahulugan)

15. Sa panahon na ipinamamalita ninyo ang mga maling pagbibintang na ito sa pamamagitan ng inyong mga dila at pagbibigkas ng inyong mga bibig, na ito ay isang kamalian, at bukod dito ay wala kayong kaalaman hinggil sa bagay na ito, na ang dalawang ito ay ipinagbabawal: ang pagsasabi ng kamalian at ang pagsasabi ng bagay na wala namang kaalaman, na iniisip ninyo na ito ay pangkaraniwan lamang, samantalang sa paningin ng Allâh (swt) ito ay isang mabigat na bagay. Dito ay matinding pagbababala hinggil sa hindi pag-iingat sa pagkalat ng kasamaan o kamalian.
[Surah An-Nur]

 Ito ay isang bagay na hindi natin napapansin, isang laganap na panganib sa ating Ummah. Katotohanan na ito ay isang sakit, na palagi nating naisasagawa, at mananatili itong isa sa mga malalaking kasalan sa Islam,--ang magsalita ka ng bagay na hindi mo alam, o ang magsalita ka tungkol sa mga bagay na wala kang kinalaman. Kailangan nating isipin ang ating mga salita, kung ano ang ating ipinamamahagi, kung ano ang ating sinasabi sa iba--paano ito tatanggapin at ano ang magiging epekto nito sa makakarinig. Katotohanan,ang bawat isa ay dapat matakot sa posibilidad na may masabi siyang mali, na mayroon siyang maidagdag na wala naman sa katuruan ng Islam.


7. At sino pa ba ang mas matindi ang kanyang kasamaan at paglabag kaysa sa kanya na nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allâh (subhanahu wa ta'ala), na siya ay nagturing ng mga katambal sa kanyang pagsamba sa Allâh (subhanahu wa ta'ala), gayong siya ay inaanyayahan na pumasok sa Islâm at maging taos-puso ang kanyang pagsamba sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) na Bukod-Tangi? At hindi ginagabayan ng Allâh (subhanahu wa ta'ala) ang mga yaong hinamak nila mismo ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtanggi sa Allâh (subhanahu wa ta'ala) at pagsamba ng iba, na sila ay hindi Niya gagabayan sa anumang patnubay.[Surah as-Saff:7]

At lumilingon tayo sa kumikinang na halimbawa ng nakaraan, ang isa na hindi kailanman ipagkakanulo ang kanyang deen habang ang iba ay sumuko na, ang isang hindi pagagapi sa panggigipit ng iba at maggagawa ng kasinungalingan tungkol kay Allah(subhanahu wa ta'ala), ang isa na matibay sa kanyang paniniwala dahil siya ay lubusan ang pagpapaubaya ng lahat kay Allah(subhanahu wa ta'ala)[tawakkul].
Siya si Imaam Ahmad ibn Hanbal (rahimahullaah) ,ang larawan ng katapangan at modelo ng Ummah. Ang nag-iisang lalaki laban sa isang buong estado ng kamalian, gayunpaman, hindi siya tumigil sa pagtatanggol sa kanyang deen, dahil wala siyang kinatatakutan kundi ang Kataastaasan (Allah/subhanahu wa ta'ala).

Nang ang isang grupo (Mu'tazilla) na may kakaibang paniniwala tungkol sa Qur'an ay nabuo (sinasabi nila na ito ay nilikha lamang ng tao), si Imaam Ahmad ay patuloy pa rin sa kanyang pagtatanggol, patuloy sa paglaban sa kanila. Sa kabila ng nagbabantang panganib, patuloy niyang ipinahayag ang katotohanan; ang pagpapatunay ng mga Natatanging Pangalan at Katangian ni Allah(subhanahu wa ta'ala) mula sa Qur'an at Sunnah, at ang Qur'an ay katotohanan na Salita ni Allah(subhanahu wa ta'ala) at hindi nilikha lamang ng tao.

Nang ang 21 na iskolar na nakikipaglaban para sa katotohanan ay naging dalawa na lamang, (si Imaam Ahmad at ang kanyang estudyante na si Muhammad ibn Nuh) ,si Imaam Ahmad ay nanatiling matatag.
Nang ang mga kalaban ay nilagyan siya ng tanikala, tanikala na mas mabigat pa sa kanyang katawan, hindi siya sumuko, nanatili siya sa kanyang paniniwala.
Nang mamatay si Muhammad ibn Nuh, at naiwan na lamang siyang mag-isa, nanatili siya sa kanyang tamang paniniwala. Siya ay nilatigo, kinaladkad, ikinulong, pinahirapan--ngunit matibay pa rin siya sa kanyang ipinaglalaban, matibay sa kanyang deen at walang pag-aalinlangan, at sa pangako ni Allah(subhanahu wa ta'ala), na nagpatatag sa kanyang Taqwa at Tawakkul. Nanatili siya sa Qur'an at Sunnah, at nakipagtalastasan sa kung ano ang mas mainam, habang ang kanyang kalaban ay sarili lamang nilang kaalaman ang pinanghahawakan, na mas pinahahalagahan ang kanilang opinyon at sariling interpretasyon.


Ang Mu'tazilla ay isang halimbawa ng posibleng mangyari kung isusulong natin ang ating sariling opinyon, gayong sa katotohanan, tayo ay limitado lamang ang nalalaman.
Isipin nyo kung gaano ang pinsalang magagawa sa ating deen kung ang mga tao ay magpapalaganap ng aral na gamit lamang ang sarili nilang nalalaman sa halip salita at  aral ng mga ulama ang kanilang ipamahagi."Katotohanan,ang mga Iskolar ay tagapag-mana ng mga Propeta."

Isinalaysay  ni Ibn Mas'ood(radiyallahu anhu) na: "Kayo ay nasa panahon kung saan marami ang Maalam(iskolar) ngunit kakaunti lamang ang tagapagsalita.At pagkatapos ninyo ay ang panahon naman kung saan kakaunti ang Maalam,ngunit marami ang tagapag-salita".

Totoong dumarami na ang mga Tagapag-salita at nawa ay bigyan tayo ni Allah 'ta ala ng kakayahan na kilalanin kung sino ba ang nagsasalita ng ayon sa Qur'an at Sunnah, at kung sino ang ayon lamang sa kanyang sariling interpretasyon.
Ang liwanag ng deen na ito ay mapapansin lamang kung ito ay ipapakita sa tamang paraan,malinis sa kasinungalingan. Kaya dapat na palaguin ang ating kaalaman upang mapagtagumpayan natin ang adhikaing ito.

Assalamu alaykum wa rahmatullahi wa barakatuhu!



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento