Sabado, Pebrero 23, 2013

ANG ESTADO NG KABABAIHAN SA ISLAM


Bismillah Ar-Rahman Ar-Raheem, Alhamdulillahil rabbil aalameen,salallahu wa salam ala nabiy Muhammad ,wa ala alihi wa ashabihi ajma'een.
Amma ba'ad:

Ang pamilya,lipunan,at ang buong mundo ay itinuring ng Islam ng may katarungan,na ang basehan ay ang Batas ni Allah(swt). Ang pagkakaiba ng kasarian ay hindi kailanman naging kalamangan o kaya naman ay kakulangan para sa bawat panig,maging babae man o lalaki. Kung gayon, kung ang pag-uusapan ay ang kalagayan ng kababaihan sa Islam,hindi natin dapat isipin na walang panuntunan,limitasyon,responsibilidad at obligasyon ang ibinigay sa lalaki at lahat ay sa babae itinakda. Ito ay isang malaking pagkakamali. Ang tao,kaya nagkakaroon ng halaga at kagalang-galang sa paningin ni Allah(swt),na Maylikha ng langit at lupa at lahat ng nasa pagitan nito, ay hindi dahil sa kanyang taglay na kayamanan,posisyon sa buhay,talino,kalusugan at katikasan o kagandahan.Ito ay masusukat sa laki ng kanyang takot(taqwa) at sa pag-alaala niya kay Allah(swt). Gayunpaman,dahil sa napakalaking impluwensya na dulot ng Kanluran sa atin,mas makabubuti na talakayin natin at bigyan ng linaw ang totoong estado ng kababaihan sa Islam.

Ang kalagayan ng babae sa lipunan ay hindi bagong usapin,at ito ay isang usapin na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos. Dito ay sisikapin nating sagutin ang mga sumusunod na katanungan:
Ano ang posisyon ng Islam kung ang pag-uusapan ay ang kalagayan ng babae sa lipunan?
Ano ang kanyang tungkulin na dapat gampanan sa Lumikha-Allah (swt), sa kanyang pamilya,sa kanyang kapwa at sa lipunan.?
Paano mapapangalagaan ang kababaihan na siyang pinupuntirya ng ating mga kalaban?
O mga kapatid,ang kababaihan ay nilikha ni Allah (swt) ,katulad ng mga lalaki na mayroong mahalagang tungkulin sa buhay.A ng bawat isa ay nilikha na mayroong kanya-kanyang tungkulin. Ang mga kalalakihan ay may tungkulin na dapat gampanan,at gayon din naman ang mga kababaihan. Kapag ang mga tungkulin na ito ay kanilang ginampanan ng maayos,ang lipunan ay magiging maayos rin at maiiwasan ang kaguluhan. NGUNIT, kapag ito ay hindi naisagawa,magkakaroon ng malaking pagkukulang katulad nga ng narinig na ninyo na nangyari sa mga kababaihan noong panahon ng kamangmangan, at gayundin sa bahaging kanyang ginagampanan sa bansa ng mga hindi mananampalataya sa panahong ito,at sa mga bansa na Islam ang namamayani.

Ang kababaihan ay lubhang napakahalaga kung kaya nga sa huling pangaral ng Propeta Muhammad (saws) ay iniutos niya na pangalagaan ang mga kababaihan. Sinabi niya sa kanyang huling Khutbah o sermon sa Arafah kaugnay ng kanyang huling pilgrimage:

"استوصوا بالنساء خيرا" Istawso binnissa'i khayrah,istawso binnissa'i..khayrah
At tratuhin ninyo ng maayos ang mga kababaihan,pangalagaan nyo sila.

Iniutos sa atin na pangalagaan ang mga kababaihan dahil sa importanteng tungkulin na ginagampanan nila sa lipunan. Hindi ito basta lamang pangalagaan sila at ibigay ang kanilang mga karapatan...na karapat-dapat lamang,ang mas mahalaga ay pangalagaan sila laban sa kahalayan--alam natin na ang mga kababaihan ay totoong mahina--at ang protektahan sila laban sa mga nagtatangka na gawan sila ng mali ay higit pa sa pagbibigay ng kanilang karapatan. Ito ang pinakamahalagang utos sa atin ng Propeta Muhammad (saws), ang pangalagaan ang kababaihan.

Sinabi ni Allah (swt):
الرجال قوامون على النساء بما فضل الله بعضهم على بعض وبما أنفقوا من أموالهم . فالصالحات قانتات حافظات للغيب بما حفظ الله
Ang mga kalalakihan,sila ang mga tagapag-tuwid ng mga kababaihan,tagapangasiwa at tagapangalaga; dahil sa pagtatangi ng Allah (swt) sa kanila ng mga katangian. Kung kaya naman: sa mga mabubuti at matutuwid na kababaihan at sumusunod sa batas ni Allah (swt), sa kanilang mga asawa at kanilang pinangangalagaan ang lahat ng mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila sa oras na wala ang kanilang mga asawa sa pamamagitan ng pamamanutbay at pangangalaga ni Allah (swt).


Ano ang ibig sabihin na ang lalaki ang tagapamahala sa kababaihan? Ito ba ay nangangahulugan lamang ng pagbibigay sa kanya ng nararapat sa kanya o kaya naman ay pagiging makatarungan? Hindi doon nagtatapos ang lahat. Ang kanyang responsisbilidad ay higit pa sa sustento at katarungan. Kailangan niyang protektahan ang babaeng ito upang hindi mawala ang kanyang karapatan,mapalaya ang kanyang sarili at magsimulang alisin ang "haya" ,pangingimi,pagkahiya at ituring na ang kahinhinan ,kapinuhan sa kilos bilang isang bagay na hindi dapat pahalagahan.

Ito ang pinakamalaking responsibilidad ng kalalakihan sa mga kababaihan.
Ang salitang "rajul" sa ayah ay hindi lamang tumutukoy sa "asawa". Ang lalaki,maging ito man ay kanyang ama,kapatid,o iba pang tagapangalaga o guardian ay responsable sa kanya at nararapat na siya ay protektahan. Kung dumating sa punto na kailangan na na bigyan ng parusa ang babae, kung gayon ay dapat niya itong isagawa.

"at kung nangangamba kayo na baka sila ay lalabag sa inyo,ay pagpayuhan ninyo sila ng magandang salita,huwag ninyo silang tabihan sa higaan; at kapag hindi naging mabisa ang hindi ninyo pagtabi sa kanila sa higaan,ay paluin ninyo sila ng marahan sa pamamagitan ng pagtapik na hindi nakakasakit."[4:34]

Kung gayon,ang babae ay nangangailangan ng masusing obserbasyon.Ang mga kalaban ng Islam sa panahon natin ay nakatuon ang pansin sa mga kababaihan. Alam nila na ang mga kababaihan ay ang pinakamahalaga sa ating lipunan. Dito nakatuon ang kanilang pansin. Nagdeklara sila ng digmaan laban sa kayumian at karangalan ng mga kababaihan at ito ay tinawag nilang...PANINIKIL SA KARAPATAN. Ayon sa kanila,kung ang babae ay mas pahahalagahan ang kanyang karangalan at kapinuhan,siya ay WALANG KALAYAAN. Ngunit ang katotohanan, kapag ginawa niya ito,ay doon lamang niya lubos na makakamtan ang kanyang kalayaan. Malaya niyang masusunod ang utos ng kanyang Tagapaglikha -Allah (swt), maitataguyod ang kanyang mga anak,at magagampanan ang tungkulin na iniatang sa kanya ng kanyang Panginoon. Siya ay ang pastol sa kanyang sariling tahanan,at ang kanyang pamilya ang kanyang nasasakupan. Ito ang kanyang totoong KALAYAAN.

Tungkol naman sa kalayaan na ipakita ang kanyang kahubaran sa harap ng ibang tao,magpakita ng kahalayan,makipagpalitan ng malalagkit na tingin kapag nasa pamilihan,makapunta sa kung saan niya nais...ito ay isang uri ng pagiging alipin at nang kawalan ng kalayaan. Ito ay pagiging alpin ng maka-mundong pagnanasa at pagiging alipin ni Shaytan.


"O mga alipin ng Tagapaglikha,ang kalayaan ay nasa pagsunod sa mga ipinag-uutos ni Allah (swt) at ang pagsamba lamang sa Kanya!"

Dito lamang matatagpuan ang kapanatagan ng kaluluwa,ang karangalan ng pagkatao at ang kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.Ang sinoman na hindi sumunod sa mga ipinag-uutos ni Allah (swt) maging ito man ay tungkol sa kababaihan o sa kung ano pa man,ay kabilang sa mabababang alipin ng mga demonyo na matatagpuan sa tao at sa jinns. Ito ay pagiging alipin at hindi kalayaan.Yan ang dapat nating malaman.

Kailangan nating pangalagaan ang ating mga kababaihan,ang ating mga asawa,anak,kapatid at kamag-anak. Makipagtulungan tayo upang mapangalagaan sila at huwag mahulog sa pakikinig at pagsunod sa maling gawain na pilit na ipinayayakap sa kanila ng mga kuffar o hindi manampalataya.

Sinisikap ng mga hindi mananampalataya na mawala ang Islam sa kahit anong paraan. At ang pinakamalaki at madaling paraan ay ang sirain ang ating mga kababaihan. Sapagkat ang kababaihan ang siyang pundasyon ng pamilya at ng tahanan. Kung siya ay masisira,gayundin ang kanyang pamilya at tahanan. Ang mga anak na babae ay magiging pariwara matapos na gayahin ang kanyang ina at mga kamag-anak na ligaw rin ng landas. Kaya nga,dapat nating bantayan ang ating kababaihan.

Narito ang mga kalalakihan na nangangalaga sa karangalan ng kanilang mga kababaihan. Bagamat mayroong ilan na hindi pinahahalagahan ang usaping ito,kayo na narito at nagbabasa ay insha'Allah siyang mangunguna sa pangangalaga sa ating mga kababaihan.

Magkaroon tayo ng takot kay Allah (swt) at mabuhay tayo sa kung paano Niya ninais na tayo ay mabuhay, sa pagganap sa ating mga responsibilidad na Siya mismo ang nagtakda. Kung gagawin natin ito,pangangalagaan natin ang ating tahanan,ang ating mga anak,pamilya at ang ating lipunan. Kung kaya nga,ang kalaban natin ay nakatuon sa kanya. Nakatuon sa kababaihan. Bihag nila ang ating mga kababaihan sa mga bagay na madali ninyong malaman; sa libro,lathalain,magazine,dyaryo,media,internet at iba pa. Nais nila na mawala ang kagandahang -asal at ang karangalan ng mga kababaihan,at kapag sila ay nagtagumpay dito,madali na lamang para sa kanila ang burahin ang Islam.



Kapag nawala ang kagandahang -asal,wala nang matitira sa atin. Ang layunin ng kagandahang-asal ay upang magkaroon ng karangalan,mabuting pag-uugali,pagiging mahiyain at dignidad. Ito ang aklaq,ugali ng isang Muslim.

Ang mga babae ay mayroong sarili nilang linya ng gawain,gayundin ang mga lalaki. Kung gagampanan ng bawat isa sa kanila ang kanilang tungkulin ,ang lipunan ay magiging maayos at kumpleto. Ngunit,kapag ito ay binago,magkakaroon ng kakulangan sa lipunan. Kaya nga isinumpa ng Propeta Muhammad (saws) yaong mga lalaki na gumagaya sa mga babae,at ang mga babae na gumagaya sa mga lalaki.
لعن رسول الله صلى الله عليه و سلم: الرجل يلبس لبسة المرأة والمرأة تلبس لبسة الرجل

Ang lahat ng ito ay upang pangalagaan ang kababaihan at mapanatili siya sa kanyang natural na pagkakalikha,relihiyon,pag-uugali at karangalan. Ang karangalan ng kababaihan ay kailangan mapangalagaan at mapanatili. Basahin ninyo ang Surah An-Nur. Sa Surah na ito ay matatagpuan ninyo kung paano pinangalagaan ang kababaihan sa pamamagitan ng pagtatakip o pagsusuot ng hijab at sa paghingi ng permiso bago pumasok sa bahay ninoman. Ganoon din sa Sunnah ng Propeta Muhammad (saws),pinagbawalan ang kababaihan na maglakbay na mag-isa at walang kasamang mahram.

Pinagbawalan rin siya na mapag-isa kasama ng lalaki na hindi niya mahram:
لا يخلون أحدكم بامرأة إلا مع ذي محرم

Ipinagbawal rin sa mga kababaihan ang pakikihalubilo sa kalalakihan . Kaya nga ang mga babae ay nagdadasal/salah sa likod ng kalalakihan kapag sila ay nasa Masjid . Sila ay natatakpan na wala ng makakakilala sa kanila. Dito ay makikita natin ang pruweba na hindi pinahihintulutan ang paghahalo ng kababaihan sa kalalakihan. Kung sa isang lugar ng kabanalan katulad ng masjid ay hindi ito pinahihintulutan,paano pa kaya sa pamilihan,opisina,park,party at iba pa masasabing maaaring maghalo ang kalalakihan at kababaihan?


Ito ay isang seryosong bagay.Tayo ay napapalibutan ng mga kalaban ngayon,kailangan nating maging alerto,kung tayo ay na kay Allah(swt), si Allah (swt) ay kasama natin.

Sinabi ni Allah (swt):20:46 TA-HA
قال لا تخافآ  إننى معكمآ آسمع وأرى
Huwag kayong matakot ;dahil katiyakan,Ako ay kasama ninyo sa pamamagitan ng Aking pandinig at paningin

Kung tayo ay kasama ni Allah (swt), Siya ay kasama natin. At kung Siya ay kasama natin,walang maaring manakit sa atin.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento