Iniulat ni Abu Hurayrah (ra): Dumating si Jibril (as) at ibinalita sa Propeta Muhammad (saws) ang tungkol kay Khadijah (ra).At sinabi ni Jibril (as) : "O Sugo ni Allah ! Narito si Khadijah na may dalang pagkain (o mainit na sabaw). Kapag nakalapit na siya sa iyo, ipaabot mo ang pagbati na nagmula kay Allah (swt) at ang magandang balita ng pagpasok niya sa Paraiso at doon ay mayroong palasyo yari sa Qasab na nakalaan sa kanya, kung saan walang ingay o kaguluhan kundi panay kapayapaan lamang.[Al-Bukhari]
Ang karangalan at katatagan ng pagkatao ni Khadijah (ra) ay siyang nagb igay sa kanya ng karangalan upang batiin ni Allah (swt) sa pamamagitan ni Anghel Jibril (as).
Siya ay larawan ng katapatan,katotohanan,magandang ugali,pagpapakumbaba,mapagbigay,matalino,lumaki sa karangyaan. Siya ang unang tao na nagkaroon ng lubusang paniniwala sa relihiyon na ipinada sa Propeta Muhammad (saws), at kauna-unahang tumanggap sa relihiyong Islam matapos ang Propeta (saws). Ang nagkaroon ng karangalan na batiin ni Allah (swt) ng 'Salam" /kapayapaan sa pamamagitan ni Anghel Jibril.Ang unang asawa ng Propeta Muhammad (saws),at hindi nag-asawa ng iba ang Propeta (saws) habang nabubuhay pa si Khadijah (ra). Nagsama sila ng matiwasay at mapayapa sa loob ng higit sa 24 taon. Sa kanyang tahanan nakatanggap ng mga rebelasyon ang Propeta Muhammad (saws) mula kay Allah (swt) sa pamamagitan ni Jibril (as). Noong panahon na ginigipit ang Propeta (saws) at tinutugis sa sarili niyang bayan,ang Makkah, sa Shi'ab Abi Talib, si Khadijah (ra) ay nasa kanyang tabi,patuloy na sumusuporta at isinakripisyo ang karangyaan sa buhay.
Nang siya ay mamatay,ang Propeta (saws) ay lubos na nalungkot dahil sa pagkawala ng kanyang kasama na hindi siya iniwan sa pinakamahirap na bahagi ng kanyang buhay. Ang Propeta (saws) mismo ang namahala sa paghahanda ng paglilibingan kay Khadijan (ra) at siya rin mismo ang nagbaba ng mga labi nito sa hukay.At doon nagwakas ang buhay ng dakilang babae na siyang sumuporta sa mga unang taon ng Islam. Siya na ina ni Fatimah (ra),ang Unang Ginang ng Paraiso,ang lola ng mga pinakamamahal na apo ng Propeta Muhammad (saws),na sina Hasan at Hussain (ra) ,na syang tampok sa mga kabataan sa Paraiso.
Si Khadijah (ra) ay isinilang sa Makkah noong 556 C.E. Ang kanyang ina ay si Fatimah bint Za'ed at ang kanyang ama ay si Khawaylid bin Asad, na kilalang pinuno sa tribo ng Quraysh at isang mapagbigay na mangangalakal.Siya ay namatay habang nakikipaglaban sa labanan ng Fujjar. Kaya si Khadijah ay lumaki sa karangyaan. Siya ay ikinasal kay Abu Halah Malak bin Malash bin Zarrarah bin At-Tamimi. Nagkaroon sila ng dalawang anak,si Halah at Hind. Nais makita ni Khadijah na maging matagumpay ang kanyang asawa kaya binigyan niya ito ng puhunan upang lumago ang negosyo. Ngunit ito ay namayapa habang nasa pangangalakal.Makalipas ang ilang panahon,siya ay nag-asawa uli kay 'Atique bin 'Aith bin Abdullah Al-Makhzomi,at nagkaroon sila ng anak na babae,si Hindah. Ngunit nagkahiwalay rin sila dahil sa hindi pagkakasundo. Ang lahat ng panahon ay iginugol ni Khadijah sa pagpapalaki sa kanyang mga anak at pagpapalago ng kanyang negosyo na minana nya sa kanyang ama.
Nang makarating sa kaalaman ni Khadijah ang katapatan,pagka-makatotohanan at ma-prinsipyong pag-uugali ng Propeta Muhammad (saws),ipinarating niya sa Propeta (saws) ang pagnanais niya na ito ang mamuno sa "caravan" ng kanyang negosyo na agad namang tinanggap ng Propeta (saws).Pagbalik ng "caravan" ay ikinuwento ni Maisarah (ang alipin ni Khadijah), ang mga nangyari sa paglalakbay at kung paano lumago at nadagdagan ang kanilang kinita dahil kay Propeta Muhammad (saws). Naisip ni Khadijah (ra) na ito ang lalaking kanyang hinihintay upang maging katuwang sa buhay.Noong panahong iyon ay maraming lalaki na ang nag-alok ng kasal sa kanya na agad naman niyang tinatanggihan.Ang pag-aagam- agam sa kanyang isip ay ipinabatid niya sa kanyang kaibigan na si Nafeesah bint Manbah na siya namang lumapit sa Propeta Muhammad (saws) at tinanong niya ito kung nakahandang magpakasal sa isang babaeng maganda,may-kaya,mula sa mabuting pamilya, at may mabuting pag-uugali.Dalawamput limang taong gulang noon ang Propeta (saws) at apatnapu naman si Khadijah noong sila ay ikasal.
Nagkaroon sila ng anim na anak,dalawang lalaki,sina Qasim at 'Abdullah,at mga babae na sina Zainab,Ruqayyah,Umm Khultum,at Fatimah (ra).
reference :Great Women of Islam
by :Mahmoud Ahmad Ghadanfar
translated by : Jamillah Muhammad Qawi
revised by ; Sheikh Sayfur Rahman Al-Mubarakpuri
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento