Linggo, Pebrero 24, 2013

PUSONG BATO


بسم الله الرحمن الرحيم

Ang alipin ay hindi makararanas ng mas malaking parusa maliban sa puso na sintigas na ng bato at ang pagkalayo kay Allah(subhanahu wa ta'ala). Sapagkat nilikha ang apoy upang tunawin ang pusong bato. Kapag ang puso mo ay tumigas...ang iyong mga mata ay tuyo na rin.

Mayroong apat na bagay na kapag lumabis sa kung ano lamang ang kinakailangan,ito ay nagiging sanhi ng pagtigas ng puso:

Pagkain, pagtulog, pagsasalita at pakikipag-niig.Ang katawan na mayroong karamdaman ay hindi tumatanggap ng kahit ano mula sa pagkain at inumin,katulad rin naman ng puso na mayroong sakit na pagnanasa,hindi ito makikinabang sa kahit na anong buti na nais iparating sa kanya.

Ang sinoman na nagnanais linisin ang kanyang puso.....kung gayon ay mas higit niyang piliin si Allah(subhanahu wa ta'ala) kumpara sa kanyang pagnanasa.

Ang puso na mas nagnanais makamtan ang pagnanasa ay nalalambungan at nagkakaroon ng pagitan sa kaniya at kay Allah(subhanahu wa ta'ala). Kaya nga ang pinakamamahal ni Allah(subhanahu wa ta'ala) ay iyong mga mapagmahal,dalisay at umiiwas sa pagkaligaw.

Sila na mga naliligaw ay mas binibigyang pansin ang buhay sa dunya(mundong ito),kung itutuon lamang nila ang kanilang pansin kay Allah(subhanahu wa ta'ala) at sa Kabilang Buhay, siguradong sila ay magbabalik sa Lumikha sa kanila ng may taglay na talino, daladala ang pinakamahalagang kayamanan...... at iyon ay ang paniniwala sa Allah(subhanahu wa ta'ala).

Hindi lahat ng tao ay nagtataglay ng talino at kaalaman,at hindi lahat ay alam kung paano ito gamitin. Sa katunayan ang Mga Tao ng Kaalaman ay yaong mga binubuhay ang kanilang puso sa pamamagitan ng pagpatay sa pagnanasa. At para naman doon sa mas binigyang halaga ang kanilang pagnanasa at pumatay sa kanilang puso.......ang kaalaman at katalinuhan ay hindi nila mapakikinabangan.

Ang pagnanais na makatagpo at makaharap si Allah(subahanhu wa ta'ala) ay katulad ng malamig na simoy ng hangin na humahaplos sa puso ng tao,na pumapatay sa nag-aapoy na maka-mundong pagnanasa.

Ang sinoman na sa kanyang puso ay nagnanais na makatagpo ang kanyang Taga-paglikha ay makakaranas ng kapanatagan, at ang sinoman na mayroong ibang pagnanais ay makakaranas ng kabalisaan at kaguluhan sa piling ng mga tao.

Sapagkat ang pagmamahal kay Allah(subhanahu wa ta'ala) ay hindi makakapasok sa isang pusong nagtataglay ng pagmamahal sa dunya, katulad ng kamelyo na nagnanais pumasok sa butas ng karayom.

Kung gayon, ang pinakamamahal na alipin ni Allah(subhanahu wa ta'ala) ay yaong naglilingkod sa Kanya, mas pinili ang Pagmamahal Niya, nagpapadalisay upang sambahin Siya, iniaalay ang lahat niyang adhikain para sa Kanya, ang kanyang dila ay laging nag-aalaala sa Kanya, at ang kanyang katawan ay nakahandang maglingkod para kay Allah(subhanahu wa ta'ala).

Ang puso ay nagkakasakit katulad ng ating katawan.At ang gamot dito ay Tawbah (pagsisisi) at paghingi ng proteksiyon kay Allah(subhanahu wa ta'ala).

PUSO---kinakalawang katulad ng salamin, magiging malinaw lamang sa pamamagitan ng pag-alaala kay Allah(subhanahu wa ta'ala) sa lahat ng pagkakataon.
-----nahuhubaran katulad ng ating katawan, at madadamitan lamang kung mayroon tayong Taqwa.
-----nagugutom at nauuhaw katulad ng ating katawan, at ang pagkain at inumin nito ay kaalaman, pagmamahal, pag-asa kay Allah(subhanahu wa ta'ala), pagbabalik-loob at pagsisilbi alang-alang kay Allah(subhanahu wa ta'ala).

[ Imam Ibn ul Qayyim al Jawziyyah| Sinipi mula sa: "An Explanation of Riyadh al-Saliheen"|By: Shaykh Muhammad ibn Salih al-Uthaymeen|Translated from al-Fawa'id by Sajad ibn `Abdur Rahman, © 1998 Sajad Rana]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento